CENTRAL MINDANAO-Maituturing na rare case ang nangyaring pagkaiwan ng kutsilyo sa katawan ng isang binata matapos itong masaksak sa Kidapawan City higit isang taon na ang lumipas.
Ito ang sinabi ni Dr Joel Sungcad, chief ng Cotabato Provincial Hospital.
Ayon kay Dr Sungcad na kung pagbabasehan anya ang x-ray ng pasyente, nasaksak ito ng paitaas sa likurang bahagi ng kanyang katawan kung saan tinamaan ang makapal na kalamnan nito at hindi ang kanyang baga.
Dahil naputol ang handle ng kutsilyong may tinatayang abot sa 5 inches na haba, posibleng hindi ito napansin ng doktor na nagsagawa ng operasyon kay Tomao.
Dagdag pa niya, ang pagsasagawa ng x-ray ay depende sa assessment ng isang doctor.
Nasa maayos namang kondisyon si Kent Ryan Tomao matapos itong operahan at masalinan ng dugo kaya pagkatapos ng anim na araw ng kanyang pananatili sa ospital ay nadischarge na.
Samantala, nakausap na ng pamunuan ng CPH si Tomao at pamilya nito para sa mga tulong na pwede nilang mai-alok lalong lalo na sa pagpapatanggal ng kutsilyong nakabaon pa sa katawan niya.
Nakauwi na si Tomao sa Kidapawan City mula sa Surigao Del Sur at isa sa mga unang gagawin niya ay ang nakatakdang pagkikita nila ng doktor na nagsagawa ng operasyon sa kanya lalo na ang pagtanggal sa nakabaon na kutsilyo sa katawan nito.