Inihahanda na ng Department of Trade and Industry(DTI) ang akmang tulong na ihahatid sa business sector na apektado sa pananalasa ng bagyong Kristine.
Sinabi ni DTI Acting Secretary Cristina Roque na nakahanda ang ahensiya na suportahan ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na binaha, at dinaanan ng bagyo.
Nakipag-ugnayan na aniya ang DTI sa pribadong sector at mga business association, para pagalawin ang kanilang resources at tukuyin ang tulong na ihahatid sa mga negosyante.
Nakahanda rin aniyang, makipag-usap ang DTI sa ibang government agencies upang ilapit ang akmang programa ng mga ito sa mga apektadong negosyante.
Hinimok din ni Roque ang mga negosyanteng apektado sa pananalasa ng bagyo na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Negosyo Center o DTI regional office para sa posibleng tulong.
Maalalang sa pananalsa ng bagyong Carina sa bansa ay inorganisa ng DTI ang isang loan program para sa mga MSME na naapektuhan.