VIGAN CITY – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) ang tulong o ayudang ibibigay sa mga naapektuhan ng African swine fever (ASF) sa Mindanao.
Ito’y matapos makumpirmang mayroon nang naitalang kaso ng ASF sa Davao Occidental, Davao City at Koronadal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na ang mga apektadong hograisers ay mabibigyan ng P5,000 na financial assistance sa bawat biik o alagang baboy na idadaan sa culling operation.
Bibigyan din sila ng mga biik na kanilang aalagaan muli kapag natiyak na wala ng ASF sa kanilang lugar.
Kasabay nito, muling hiniling ni Dar sa mga local government unit na higpitan ang kanilang mga quarantine checkpoints upang matiyak na hindi makapasok sa kanilang nasasakupan ang ASF.