-- Advertisements --

Tiniyak ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang tulong mula sa gobyerno para sa mga Pilipinong manggagawa sa Tripoli, Libya na magboboluntaryong umuwi sa bansa.

Ayon kay Bello, may augmentation team silang ipapadala sa Tripoli ngayong linggo para matiyak ang kaligtasan ng mga OFWs doon at tulungan na rin ang mga ito sa kanilang repatriation.

Nakikipag-ugnayan din sila sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa tulong na ibibigay sa mga mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Tripoli na gusto nang umuwi sa Pilipinas dahil sa patuloy na gulo doon.

Ang mga Pilipinong manggagawa na uuwi ng Pilipinas mula Libya ay makakatanggap ng reintegration assistance mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Kahapon idineklara ng DOLE ang total deployment ban sa capital city ng Libya makaraang itaas ng Department of Foreign Affairs ang Alert Level 3 sa mga OFWs dahil sa civil war doon.

Dahil dito, pansamantalang hindi papahintulutan ng DOLE ang pagpapadala o paglipad ng mga Pilipinong manggagawa sa Tripoli gayundin sa 14 na lugar na sakop ng 100 kilometer radius mula sa naturang lungsod.

Samantala, sinabi ni Bello na sa oras na itaas ng DFA ang Alert Level 4 ay nakahanda na ang DOLE para sa forced repatriation na kanilang ipapatupad.