-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Walang tigil ang pamamahagi ng ayuda ng LGU-Datu Montawal, Maguindanao sa mga residente na grabeng naapektuhan dulot ng krisis sa Coronavirus Disease (Covid 19) pandemic.

Siniguro ni Mayor Datu Otho Montawal na may makain ang kanyang mga nasasakupan at hindi maubusan ng bigas.

Hirap ang mga residente na bumalik sa kanilang trabaho dahil sa banta ng COVID at mga magsasaka ay halos walang maani na palay at mais dahil sa init ng panahon kung saan nasalanta ang kanilang mga pananim.

Kaya inatasan ni Mayor Montawal ang mga kawani MDRRMO katuwang mga volunteers na lahat ng sulok sa bayan ng Datu Montawal ay mabigyan ng tulong ang mga residente.

Matatandaan na inani mismo ng alkalde ang mga pananim nitong oil palm sa kanyang sakahan at ibinili ng bigas para maitulong sa kanyang mga nasasakupan.

Dama mismo ni Montawal ang paghihirap ng mga residente dulot ng COVID-19 crisis at tag-init.

Pinaigting rin ng LGU-Datu Montawal ang pagbabantay sa mga COVID checkpoint.

Sa ngayon ay nanatiling COVID free ang bayan ng Datu Montawal.