KORONADAL CITY – Magpapaabot ng tulong ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga naiwang pamilya ng Pinay domestic helper na pinatay ng kanyang among babae sa bansang Kuwait.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, tutulong ang ahensya kasama ang DOLE sa pamilya ni Jeanelyn Padernal Villavende, 26, at residente ng Brgy. Tinago, Norala, South Cotabato.
Ayon kay Cacdac, magbibigay sila ng death and burial assistance sa pamilya ni Jeanelyn.
Maliban dito, magiging scholar din ng ahensya ang bunsong kapatid nito matapos malaman na isa ang pag-aaral ng kanyang kapatid sa mga dahilan kung bakit ito nangibang bansa.
Inihayag din nito na magbibigay ng livelihood assistance at tulong pinansyal upang maiayos ang sirang bahay ng pamilya Padernal at Villavende.
Kasabay ng mga tulong na ito, ipinasiguro din ng gobyerno na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng nasabing OFW.