Tuloy ang gagawing imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa mga isyu ng korapsyon sa Philippine Charity sweepstakes Office (PCSO).
Ito ang sinabi ni Sen. Richard Gordon, kahit na-lift na ang suspensyon sa lotto operation kagabi.
Ayon kay Gordon, chairman din ng Senate Blue Ribbon Committee, nais nilang malaman ang ugat ng sinasabing korapsyon sa ahensya na nagbunsod para masuspinde ang mga aktibidad ng tanggapan.
Sa kasalukuyan kasi ay suspendido pa rin ang Small Town Lottery, Peryahan ng Bayan at iba pa.
Malaking tulong umano para sa pagsasakatuparan ng Universal Health Care Act at iba pang programa ng gobyerno ang pagtanggal ng suspensyon sa lotto operation.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, mahalagang matiyak ang pagkukunan ng pondo para sa malalaking proyekto ng gobyerno upang makapagpatuloy ito at higit na marami ang matulungan.
“Nagpapasalamat tayo sa desisyon ng Pangulo na ipagpatuloy na ang operasyon ng lotto. Wala nang panganib na magkaka aberya ang pagsasatupad ng Universal Health Care Act at iba pang mga programa ng gobyerno para sa ating mga kababayan dahil sa kakulangan ng pondo,” wika ni Angara.
Sa panig naman ni Sen. Leila de Lima, nakakaduda ang mga pabigla-biglang hakbang ng Pangulo sa PCSO.
Aniya, kailangang masiyasat ito at hindi magtapos sa suspensyon lamang ng gaming operations.
“Shutting down PCSO does not make sense and obviously warrants deep scrutiny.” Ito ang reaksyon ni Sen. Leila de Lima sa utos ni Pres. Rodrigo Duterte na ipasuspinde ang gaming operations sa bansa dahil sa umano’y korupsyon sa PCSO,” wika ni De Lima.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na epektibo kaagad ang pagbabalik ng lotto operation.
“The rest of all gaming operations with franchises, licenses or permits granted by the Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), such as Small-Town Lottery (STL), Keno and Peryahan ng Bayan (PNB), shall remain suspended pending the investigation of illegal activities and corrupt practices related thereto and until the Office of the President evaluates the results of said probe,” ani Sec. Panelo. “Franchise holders and operators of lotto outlets may now resume with their operations. The lifting of the suspension of lotto operations takes effect immediately.”