-- Advertisements --

Hindi umano magbabago ang paninindigan ng hanay ng oposisyon sa pagpuna sa gobyerno, kahit may banta si Pangulong Rodrigo Duterte na susupindehin ang writ of habeas corpus.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros sa panayam ng Bombo Radyo, kung lehitimo ang isyu at kapakanan ng nakararami ang nakataya, hindi mananahimik ang kanilang hanay.

Sana lang aniya, sumagot sa isyu ang gobyerno at hindi ituring na kalaban ang pagbibigay nila ng lehitimong puna.

“Sagutin sana nila ang mga isyu at huwag isiping pinababagsak ang gobyerno kapag may mga pagpuna,” wika ni Hontiveros.

Para naman kay Liberal Party (LP) president Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, sa halip na takutin at bantaan ng Pangulo ang mga kritiko nito, mas makakabuti na ipaaresto ng presidente ang mga big time drug lords at mga custom appointees na makailang beses na nasangkot sa tone-toneladang shabu shipments.

Payo pa ni Pangilinan na ito lamang ang siyang paraan para mapatahimik ng Pangulo ang mga kritiko sa war on drugs ng administrasyon.

Aniya, kapag may maipakulong na drug lords ang chief executive at mga custom appointees nito na sangkot sa pagpasok ng toneladang shabu sa bansa maniniwala na ang mga kritiko na tunay at seryoso ang presidente laban sa droga.

Pero kapag nananatiling namamayagpag ang mga drug lords na iniuugnay sa administrasyon, hindi titigil ang mga kritiko sa pagpuna sa administrasyon.