CENTRAL MINDANAO-Matiwasay na isinagawa ang Educational Assistance payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XII sa mga residente ng Tulunan, Cotabato sa New Esperanza Elementary School.
Ang mga kwalipikadong benipisyaryo na tumanggap ng nasabing ayuda ay mga magulang in crisis situation na may mga anak na nag-aaral sa elemetarya, high school, senior high school at kolehiyo.
Batay sa talaan ng DSWD Field Office XII, abot sa 471 na mga estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Tulunan ang tumanggap ng tulong na nagkakahalaga ng mahigit sa 1.2 milyong piso para sa kanilang pag-aaral.
Taos puso naman na nagpasalamat ang kinatawan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na si 3rd District Board Member Joemar S. Cerebo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos sa kanyang programa na matulungan ang mga estudyante lalo na ang mga higit na nangangailangan.
Hangad din ni Cerebo na maipagpatuloy ng pamahalaang national ang nasabing programa upang mas marami pang mga batang Cotabateño ang matulungan.
Ang pamimigay ng ayuda ay isinagawa sa pangunguna ng DSWD Field Office XII katuwang ang Municipal Social Welfare Office at ng lokal na pamahalaan ng Tulunan.