Hinikayat ni Sen. Risa Hontiveros ang gobyerno na bigyan ng tulong ang mga electric cooperative habang ipinapatupad ang moratorium sa mga electricity service disconnection nitong taon.
Sinabi nga senadora na kung walang singil ang mga electric cooperatives, wala rin silang working capital.
Karamihan umano sa miyembro nito ay less than 100kWh (kilowatt-hour) ang konsumo, at hindi sila makakasingil hanggang sa buwan ng Disyembre.
Aniya, ang mga electric cooperatives ay hindi katulad ng mga higanteng korporasyon na may naiipong kita sa pagnenegosyo sa mahabang panahon.
Kailangan nila ng suporta mula sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng tama at nararapat na badyet sa National Electrification Administration.
Sa Senate budget hearing, umapela ang senadora sa Energy Regulatory Commission na habaan pa ang pag-ban sa disconnection sa mga power consumer.
Kung maalala noong araw ng Huwebes, nagpalabas ng utos ang ERC sa power distribution utilities na hindi ipatupad ang anumang pagputol sa account ng hindi pagbabayad ng mga bayarin hanggang Disyembre 31, 2020 para sa mga consumer na may buwanang pagkonsumo na hindi mas mataas sa dalawang beses ang maximum na antas ng pagkonsumo ng lifeline ng ERC. (with reports from Bombo Jane Buna)