BAGUIO CITY – Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang tuluyang pagbukas ng turismo ng lungsod para sa mga fully vaccinated na indibidwal.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, sumang-ayon na rin si Tourism Sec. Berna Romulo-Puyat sa nasabing plano habang nakausap na niya si National Task Force Against COVID chair at Defense Secretary Delfin Lorenzana ukol dito.
Aniya, isinumite na rin nila ang plano para sa pag-aaral at pag-apruba ng National Inter-Agency Task Force (IATF).
Kailangan kasi busisiin ang gagamiting sistema na siyang susuri sa mga vaccination cards na isa sa mga requirement ng mga fully vaccinated individuals sa pagpasok nila sa lungsod.
Nakikipag-ugnayan na ang Baguio-local government unit sa Battlefield Medical Information System-Tactical para sa mas mabilis na pagsaayos nito sa mga “crypto” codes na gagamiting scanner para malaman kung lehitimo o hindi ang mga ipapakitang vaccination cards.
Samantala, umaasa si Sec. Puyat na pagbibigyan ng IATF ang kanilang hiling na payagan nang makabiyahe ang mga residente mula sa National Capital Region (NCR) “Plus” papunta sa Baguio City at iba pang sikat na mga tourist destination ng bansa.
Inihayag niya ito sa kanyang pagbisita sa Baguio para siyasatin ang mga tourist attractions ng lungsod at ipamahagi ang tulong pinansyal ng Department of Tourism sa mga stakeholders ng tourism sector ng Baguio na naapektuhan ng pandemya.
Nabatid na pinapayagan na ng Baguio ang pagbisita ng mga turista maliban lamang sa mga residente ng NCR Plus at kinakailangang dumaan sa kaukulang proseso ang mga gustong pumasyal sa City of Pines.