Sa kabila ng pagkatalo noong Sabado ng gabi, patuloy pa ring tumatanggap ng papuri ang Gilas Pilipinas sa naging magandang kampanya sa sinalihang Olympic Qualifying Tournament (OQT).
Maalalang natalo ang Pilipinas sa crossover semifinals laban sa Brazil, 71-60, sa kabila ng magandang performance nito sa unang kalahating bahagi ng laro.
Maraming mga opisyal ng bansa at mga basketball fans ang bumati sa national team sa kabila ng naturang pagkatalo.
Maalalang nagawa ng Gilas na patumbahin ang world No.6 na Latvia sa kabila ng pagiging underdog ng Pinoy team.
Maging ang nakalabang world No. 23 na Gerogia ay muntikan ding pinataob ng Pinoy team, daan upang pumasok sa Semis.
Ayon kay Samahang Basketball ng Pilipinas president Al Panlilio, bagaman masakit ang kinalabasan ng kampanya ng Gilas, magsisilbi aniya itong building block para sa susunod na mga turneyong sasalihan ng Pilipinas.
Isa sa mga tinitingnan ng opisyal ay ang lalo pang pagpapalakas ng Philippine national team upang maging best Asian team at ma-qualify para sa 2027 World Cup. Sunod dito aniya ang susunod na Olympics (Los Angeles).
Hindi rin aniya maitatanggi ang iniwang marka ng Gilas Pilipinas sa mundo ng basketball, sa pangunguna nina Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Dwight Ramos, and Chris Newsome.
Bagaman hindi nakapasok sa Olympics, naniniwala si Panlilio na magbibigay ito ng positibong marka sa Pilipinas, lalo na sa susunod pang turneyo na lalahukan ng Gilas.