Ipinagmalaki ni AFP chief Gen. Gilbert Gapay na malapit na umanong “mawasak” ng militar ang kilusang komunista sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasunod ng pagkakapatay sa mahigit 200 rebelde at pagsuko ng libu-libong iba pa ngayong taon.
“I can confidently say that we are close to realizing our goal of totally destroying this communist armed threat by 2022,” saad ni Gapay.
Sa nasabi ring pahayag, sinabi ng militar na umabot sa 201 kasapi ng New People’s Army ang napatay ngayong taon; 264 ang naaresto, habang 7,615 ang sumuko.
Gayunman, iginiit ng ilang mga makakaliwang grupo at progresibong mambabatas na iligal ang ilang ginawang mga pag-aresto, tulad ng sa labor union leader na si Jose Bernardino noong Disyembre 4.
Naghayag na rin ng kanilang pagkabahala ang ilang mga mambabatas sa lumolobong bilang ng mga pag-aresto sa mga human rights activists, na sinasabing dahil sa umano’y malawakang red-tagging ng mga anti-communist officials.
Una na ring pinuna ang ilang mga miyembro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict dahil sa pag-akusa sa ilang mga pulitiko, artista, at kritiko ng pamahalaan na mga kaalyado raw ng Communist Party of the Philippines, kaya napilitan ang Senado na maglunsad ng imbestigasyon.
Matapos ang ilang pagdinig, sinabi ni Senate defense committee chair Panfilo “Ping” Lacson na kanya raw pag-iisipang maghain ng panukala na gawing krimen ang red-tagging, basta’t hindi ito labag sa kalayaan sa pamamahayag.