-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Umapaw na ang Pulangi River, Rio Grande de Mindanao at Liguasan Marsh dulot ng malakas na buhos ng ulan.

Rumagasa rin ang baha mula sa Bukidnon at Agusan river kaya binaha ang probinsya ng Cotabato at Maguindanao na catch basin (tagasalo) ng tubig sa karatig lalawigan.

Maraming mga residente na rin sa bayan ng Pikit, Cotabato ang lumikas dahil sa baha.

Matatandaan na isang 1-yr old na sanggol ang nasawi nang mahulog sa bubungan ng kanilang bahay at tinangay ng baha sa Sitio Proper, Brgy Talitay, Pikit, Cotabato.

Umakyat si Saguira Kadir Molina sa atip kasama ang sanggol dahil lubog na ang kanilang bahay sa baha ngunit aksidenteng nahulog ang biktima.

Naisugod pa ang sanggol sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang rescue operation ng MDRRM-Pikit kung saan tumulong na ang pulisya at militar sa mga naipit sa baha.