-- Advertisements --
image 451

Hindi inaalis ng mga eksperto ang posibilidad na umabot sa Puerto Galera at Batangas ang oil slick mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.

Paliwanag ni University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) associate professor Dr. Irene Rodriguez, sa kanilang huling projections base sa water currents at wind flow, ang Northeast Monsoon o Amihan ay bumagal at papunta sa hilaga at tinutumbok ang Verde Island passage.

Puwede raw nitong maapektuhan ang coastal environments ng Calapan, Puerto Galera at ilang area sa Batangas.

Una rito, kinumpirma ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na noong Biyernes ay umabot na sa Calapan City ang oil spill mula sa lumubog na oil tanker.

Dahil dito, apektado na ng oil spill ang 47 km coastal areas, 533 hectares ng mangroves sa Mindoro.

Sa panig ng Department of Tourism (DoT) sinabi nitong nasa 61 tourist sites ang apektado ng oil spill mula sa MT Princess Empress na lumubog noong Pebrero 28 sa Naujan.

Mayroon itong kargang 900,000 liters ng industrial fuel.

Para makontrol ang pagkalat ng oil spill, ipinanukala ni Rodriguez na maglagay ng fireproof spill booms habang sinusunog ang langis na nasa karagatan.

Suportado rin nito ang panukala ng ilan na pagbawala ang mga malalaking vessel na dumaan sa Verde Island dahil ikinokonsidera itong sentro ng marine biodiversity.

Ayon sa Philippine Coast Guard, ang motor tanker ay lumubog sa lalim na 400 meters.

Masyado raw itong malalim para abutin ng mga divers.

Sinabi naman ng alkalde ng pinakaapektadong bayan dahil sa oil spill na si Pola, Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz na aabutin ng anim hanggang sa isang taon para mtapos ang paglilinis ng oil spill.