Nakiisa si Sen. Leila de Lima sa mga panawagan sa gobyerno na ipagbawal na ang paggamit ng mga single-use plastics sa buong bansa.
Ayon kay De Lima, dapat na umanong gumawa ng mga kinakailangan at mabilisang aksyon ang gobyerno upang labanan ang plastic pollution.
Dapat din umanong palawakin pa ang information campaign upang ipabatid sa publiko ang masamang dulot ng sobrang paggamit ng plastic sa kalikasan.
“We urgently need to increase public awareness and education on how overconsumption of plastics can adversely impact our ecosystems and push for the phase-out of single-use plastics in our country,” saad ni De Lima.
Kasabay nito, hinimok ng senadora ang pamahalaan na magsagawa ng pananaliksik upang matukoy ang puwedeng mga alternatibo sa single-use plastics.
Maliban dito, kailangan din daw na magsagawa ng assessment ang gobyerno sa inaasahang epekto ng ban sa plastic sa mga manggagawa.
“We need to take heed of the global campaign to reduce plastic waste seriously if we want our children and our children’s children to have a better world to live in,” anang mambabatas.
Batay sa isang 2017 Ocean Conservancy report, nanggagaling sa Pilipinas, China, Indonesia, Vietnam, at Thailand ang mahigit sa kalahati ng 8-milyong tonelada ng plastic waste na itinatapon sa mga karagatan kada taon.