(Update) KORONADAL CITY – Ibinahagi ng isang market guard at isa sa mga survivors sa panibagong pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat ang naranasan nitong takot nang maganap ang nangyaring pagsabog kaninang umaga.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Gng. Leonor Espeda, market guard, malapit lang siya sa blast site sa labas ng Isulan Public Market nang bigla na lamang may sumabog.
Una nang sinabi ng mga otoridad na improvised explosive device (IED) ang sumabog.
Ayon kay Espeda, natakot umano ito matapos makitang tumilapon ang magpa-park sanang traffic enforcer na si Terrence Cargada dahil sa lakas ng impact ng pagsabog.
Nasugatan din ang ilan pang mga tao na nasa paligid.
Umabot na sa walo ang sugatan.
Sinasabing dahil sa malakas na pagsabog, halos mabingi raw si Espeda at nagdulot ito ng trauma sa kaniya.
Dagdag pa nito na malaking katanungan pa rin kung sino ang nagtanim ng bomba sa parking area ng mga motorsiklo sa public market ng Isulan dahil wala umano silang nakitang kaduda-dudang tao na nasa area bago pa man ang nangyaring pagsabog.
Napag-alaman na natagalan pa bago pinasok ng Explosive Ordnance Disposal Team (EOD) team ang area dahil sa pinaniniwalaang isa pang IED ang hindi sumabog.
Samantala una na ring kinilala ang ilan sa mga biktima na sina:
- Terencio Cagadas 35, male, Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat
- Gerald Cartajena, 28, male, Surallah, South Cotabato
- Jomar C. Aquino, 31, male, Isulan, Sultan Kudarat
- Niño Biñas Virgo, 28, male, Isulan, Sultan Kudarat
- Jarren Amigo, 24, male, Sampao, Isulan, Sultan Kudarat
- Jay Carnaso, 30, male, Dansuli, Isulan, Sultan Kudarat
- Nasim Salip Gulano, 29, male, Kalawag 1, Isulan, Sultan
Kudarat