-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Magsasagawa ng forum sa Nobyembre 7 ng kasalukuyang taon ang grupo ng mga mangingisda sa Candelaria, Zambales upang makagawa ng hakbang para makatulong sa mga apektadong mangingisda kasunod sa pinsala ng sumadsad na barge na may kargang carbon sa kasagsagan ng dumaang Bagyong Kristine.

Sa interview ng Bombo Radyo kay Joey Marabe, Provincial Coordinator ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (PAMALAKAYA) Zambales, hangad nilang maayudahan ang kapwa mangingisda dahil hindi nakapalaot ang mga ito matapos na naapektuhan ang lamang-dagat at nasira ang mga coral reefs sa lugar.

Dagdag pa ni Marabe, gusto nilang papaliwanagin ang mga kinauukulan kung bakit pinayagan itong maglayag sa karagatan na may banta ng sama ng panahon kung saan, tuluyang lumubog ang barge dahil napuno ito ng tubig nang hampasin ng malalaking alon at tumilapon ang nasa 11 metrikong tonelada ng carbon na naging sanhi ng discoloration ng tubig-dagat.

Ilan sa mga karbon sa Masinloc ang naanod na sa baybayin habang ang iba ay nananatiling nasa ilalim ng tubig na lubusang nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar.