Iginiit ni Senadora Grace Poe na hindi makakamit ang tunay na modernisasyon sa pamamagitan ng paspasang implementasyon ng PUV modernization program.
Ang pahayag ni Poe, dating chairman ng Committee on Public Services, ay sa gitna ng ikinakasang tigil-pasada ng transport group na MANIBELA kaugnay sa naturang programa.
Ayon sa senadora, nangangailangan ito ng maingat na pagpaplano, konsultasyon, at commitment upang matiyak na walang maiiwan na tsuper o mananakay.
Sa palagay ni Poe, si bagong Transportation Secretary Vince Dizon ang may kakayahan para lutasin ang isyu sa modernization program.
Ang mga nakalipas aniya na liderato ng Department of Transportation ay walong taon na paulit-ulit na nangako sa mga stakeholder ngunit hindi naman natupad dahilan kung bakit hanggang ngayon ay may mga tutol sa Public Transport Modernization Program (PTMP).
Giit nito, maraming isyu sa programa ang hindi pa rin natutugunan kung saan balakid aniya sa pagpapatupad ng programa:
- – Ang kawalan ng komprehensibong ruta;
- – Sobrang taas ng presyo ng mga bagong unit;
- – Pagmamatigas na gamitin ang dayuhang disenyo at;
- – Kawalan ng sapat na subsidiya para sa mga tsuper.
Ngayong 2025 aniya may inialaan na P1.6 billion na dapat gamitin para malutas ang mga kritikal na isyu sa naturang programa tulad ng P147M na Project Management Fees.
Sapat aniya ang pondong ito para magkaroon ng malawakang pagsusuri at pagrerepaso sa PUV modernization program.