-- Advertisements --

Mas doble kayod pa umano ang dapat gawin mamaya ng Gilas Pilipinas para makalusot sa bansang Tunisia sa pagsisimula ng classification stage ng FIBA Basketball World Cup sa Beijing.

Kung tutuusin mas mataas ang ranggo ng Pilipinas sa Tunisia pero pagdating sa mga players at record ay dehado ang mga Pinoy players.

Ang Tunisia kasi ang top African qualifiers at ito rin ang reigning African champion.

Dahil dito malaking trabaho pa rin ang gagawin ng mga Gilas big men na sina Andray Blatche, Japeth Aguilar at Junemar Fajardo upang i-neutralize ang 7-foot-1 na si
Salah Mejri na naglaro sa NBA team na Dallas Mavericks.

Ang higanteng si Salah ang kabilang sa top scorer ng Tunisia.

Ito rin ang susi sa isang panalo nila sa group stage nang gulatin ang dating Asian champion na Iran.

Sa ngayon kailangan ng Pilipinas ng dalawang panalo upang magkaroon ng tiyansa na makapasok sa 2020 Tokyo Olympics.
Mamayang alas otso ng gabi ang laban ng Pilipinas.