-- Advertisements --

Nagsagawa ng profiling ang Department of Labor (DOLE) sa region 11 at ang Office of First Congressional District Representative Paolo ‘Pulong’ Duterte sa mga qualified beneficiaries ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged and Displaced Workers (TUPAD).

Ang TUPAD ay isang community-based na package program na nagbibigay ng emergency na trabaho para sa mga displaced, underemployed, at seasonal na manggagawa nang hindi bababa sa 10 araw, ngunit hindi lalampas sa maximum na 30 araw, depende sa uri ng trabahong gagawin.

Sa nasabing programa, makikinabang ang mga manggagawa mula sa salon at barbershops, street vendors, school maintenance, janitors, scrap collectors, dressmakers, shoemakers, therapists, cockfight bet collectors, indigents, displaced workers, at mga pamilya ng mga preso.

Una ng sinabi ni Representative Duterte na nauna ng nakinabang sa nasabing programa ang mga tricycle, jeepney driver at operator mula sa unang distrito, ikalawang distrito, at ikatlong distrito sa nasabing lugar.

Ang First Congressional District Office ni Duterte ay patuloy na nagsusumikap para tulungan ang mga natukoy na benepisyaryo bilang tugon sa kasalukuyang krisis ang Covid-19 pandemic.

Sinabi ng mambabatas na umaasa siyang ang TUPAD program ay makakatulong sa mga pamilya ng mga benepisyaryo na makabangon mula sa krisis mula noong pandemic.

Hinikayat din ni Duterte ang mga ito na patuloy na suportahan ang mga pagsisikap ng gobyerno, na naglalayong magbigay ng mga programa para sa mga disadvantaged at displaced na mga miyembro ng komunidad.