CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng ilang TUPAD beneficiaries ng Brgy. 9-11, Ilagan City ang mga opisyal ng kanilang barangay matapos na kunin di umano ng walang abiso ang kanilang natanggap na ayuda mula sa programa ng Department of Labor and Employment ( DOLE)
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan matapos na matanggap ang mga ayuda mula sa pamahalaan ng 21 residente sa nasabing barangay noong sabado ay inabisuhan umano sila ng mga opisyal ng barangay at nang daycare worker na ibalik ang P2,000.00 cash.
Batay pa sa impormasyon na P2,600.00 at kalahating kaban ng bigas ang ibinigay ng DOLE at ng pamahalaang panlalawigan sa mga benepisyaryo ng nasabing programa.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Kapitan Judy Balido ng Cab 9-11, Ilagan City, sinabi niya na nagkaroon umano ng pag-uusap sa pagitan ng mga TUPAD beneficiaries at ng barangay.
Sinabi ni kapitan Balido na noong unang bugso ng pagbibigay ng ayuda ng Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD ay nakiusap umano ang mga benepisyaryo sa programa ng DOLE na kung maari ay ipasok na lamang sila sa listahan ng mga tatanggap ng SAP.
Sinabi pa ng Barangay Kapitan na matapos na isinali ang mga TUPAD beneficiaries sa SAP ay nilinaw umano nito na sa oras na tatanggap ang mga Ito ng ayuda mula sa DOLE ay kinakailangan na magbigay sila ng kaukulang halaga upang maipamudmod din sa ibang mga residente ng baranagy na hindi napabilang sa anumang programa at iginiit ng kapitan na sumang-ayon naman umano ang mga ito.
Ayon pa kay Punong Brgy Balido, una na umanong nakatanggap ng P5,500.00 ang mga tumanggap ng ayuda mula sa TUPAD kaya nais din umano ng barangay na magbahagi ng kaunting tulong sa mga residente na nangangailangan pa ng ayuda.
kaugnayan nito, pinabulaanan ng ilang residente ng Cab 9-11 ang pahayag ng kanilang Punong Barangay na una silang naabisuhan makaraang tutmanggap ng ayuda sa SAP .