CENTRAL MINDANAO – Pangungunahan ni Cotabato Vice Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa pakikipag-ugnayan sa DOLE provincial office ang pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa mga Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program para sa 848 bilang na benepisaryo mula sa probinsya.
Ito ay sa pamamagitan ng tulong ni Senator Joel Villanueva na naglaan ng pondo upang maisakatuparan ang nasabing programa.
Ang TUPAD ay naglalayong magbigay ng temporary employment sa loob ng 10 araw sa mga manggagawang nasa impormal sektor na nawalan o naapektuhan ang kabuhayan sanhi ng pagpapatupad ng community quarantine laban sa COVID-19.
Malugod namang tinanggap ni Vice Gov Lala Taliño-Mendoza ang tulong mula sa senador at sinabi na ang halagang ibinigay ay magiging malaking tulong sa 848 benepisaryo na kwalipikado sa programa.
Ang mga benepisaryo ay masusing pipiliin ayon sa kwalipikasyon at alituntunin ng Department of Labor and Employment.