-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tinatayang malulugi ng $538 milyon o katumbas ng mahigit sa P26 bilyon ang industriya ng turismo sa isla ng Boracay at buong lalawigan ng Aklan ngayong unang quarter ng kasalukuyang taon matapos na magpatupad ang pamahalaan ng travel ban papasok at palabas ng China dahil sa outbreak ng 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease (2019-nCoV ARD).

Ayon kay 2nd District Congressman Teodorico Haresco Jr., sakaling tumagal pa ang travel ban sa China na ikalawang pinakamalaking tourism market sa isla ay lalo pang maapektuhan ang pag-negosyo at tourist spending sa lugar.

Noong nakaraang taon, nakapagtala ng 434,175 na Chinese tourists o halos 50 percent ng kanilang 865,419 na foreign visitors na bumuhos sa isla simula Enero hanggang Mayo na itinuturing na peak season.

Kaugnay nito, umapela rin si Congressman Haresco na iwasan ang pagpapakalat ng fake news ukol sa nCoV dahil lalo lamang itong makakaapekto sa sektor ng turismo.

Halos 60 percent ng island hopping at iba pang water sports activities, gayundin na karamihan sa mga vendors, tricycle drivers, tattoo artists at masahista ang apektado ngayon ng travel ban.

Ilang Chinese restaurants din ang nagsara habang karamihan sa mga reserbasyon sa mga hotels ay kinansela.