VIGAN CITY – Nakatakda nang buksan ang Ilocos Sur sa mga turista sa Luzon pati na sa Metro Manila sa darating na November 15.
Pahayag ito ni Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat sa kanyang pagbisita sa lalawigan kahapon partikular sa ipinagmamalaking Calle Crisologo ng Vigan City kasama si Gov. Ryan Luis Singson,
Ang nasabing hakbang ay upang unti-unti nang maibalik ang sigla ng turismo na isa sa mga naapektuhan ng coronavirus pandemic at upang matulungan ang mga negosyante na nawalan ng trabaho dahil sa pagpapahinto sa kanilang operasyon.
Kung maaalala, October 1 ay nabuksan na ang ilan sa mga tanyag na pasyalan sa lalawigan sa mga taga-Region 1 at Baguio City sa pamamagitan ng Ridge and Reef Travel Corridor sa Region 1 at Baguio City.
Bahagi ito ng “tourism bubble” ngunit limitado lamang ito sa 50 tourist bawat araw ang papasyal.
Kinakailangan din pang makompleto ang mga requirement bago makapasok kagaya na lamang ng negatibong resulta ng RT PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test o Rapid Antigen Test at ang masusunod na itinerary.