VIGAN CITY – Mahigit 2,000 turistang lulan ng tatlong cruise ship na nakatakdang dumaong sana sa port ng Ilocos Sur ang naibawas sa bilang ng tourist arrival sa lalawigan.
Ito’y dahil sa paglaganap ng Coronavirus Disease (COVID)-19.
Nabatid na kinansela muna ng provincial government ang naturang pagdaong ng mga cruise ship sa Salomague Port, Cabugao, Ilocos Sur, upang maiwasang makapasok sa lalawigan ang COVID-19.
Dahil dito, sinabi ni Provincial Tourism Officer Ryan Astom sa Bombo Radyo Vigan na naapektuhan ang turismo ng lalawigan dahil malaking kabawasan sa bilang ng mga nagtutungo sa mga kilalang tourist spots ang mga pasahero na sakay ng mga cruise ships na dadaong sa karagatang sakop ng Ilocos Sur.
Noong Pebrero, ngayong Marso, at sa susunod na buwan sana dadaong sa Salomague Port ang mga cruise ship.
Kaugnay nito, abala umano ang tanggapan ni Astom sa pakikipag-ugnayan kay Governor Ryan Singson sa pag-iisip kung paano palalakasin ang local tourism ng lalawigan.