-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Bahagyang umangat ang dami ng mga turistang dumadayo sa isla ng Boracay matapos luwagan ng pamahalaan ang quarantine restrictions sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.

Base sa talaan ng Malay Tourism Office, umaabot sa 2,905 ang tourist arrivals mula Hunyo 1 hanggang 6, 2021.

Karamihan dito ay taga-National Capital Region (NCR) na may kabuuang 1,760. Sinundan ito ng Calabarzon na may 552 at Central Luzon na 230.

Ayon kay Felix delos Santos, chief tourism operations officer, umaasa ang kanilang opisina na magtuloy-tuloy na ang pag-angat ng tourist arrivals upang makabangon ang industriya ng turismo sa Boracay.

Aniya, lalo pang pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Malay ang pagpapatupad ng health and safety protocols.

Nagbabala rin sila sa mga turista na iwasan ang paggamit ng mga pekeng RT-PCR test results upang hindi maunsiyami ang masayang bakasyon.