-- Advertisements --
BORACAY TOURIST
Boracay Tourist

KALIBO, Aklan— Nasa 131 turista ang stranded sa Caticlan Jetty Port mula sa isla ng Boracay habang mahigit naman sa 89 mga pasahero ng Roll-on Roll-off (RoRo) vessel ang nananatili pa rin sa pantalan matapos na kinansela ang byahe dulot ng bagyong Tisoy.

Nagkagutay-gutay at inanod naman ang ilan sa mga naka-standby na bangka at cargo boats na byahe papunta at pabalik ng isla dahil sa malakas na hampas ng alon kung saan, nagkalat ang mga life jackets at iba pang kagamitan.

Kasalukuyang kanselado pa rin ang byahe ng mga bangka, fastcraft at Roro vessels dahil na rin sa pananalasa ng nasabing bagyo sa lalawigan ng Aklan.

Samantala, nakapagtala ang Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO)-Malay ng 43 pamilya o 184 indibidwal na lumikas sa evacuation center mula sa mga coastal areas sa nasabing bayan.