LAOAG CITY – Patay ang isang lalaking turista matapos malunod sa isang beach resort sa Barangay Saud, Pagudpud, Ilocos Norte.
Ayon kay Police Capt. Jimmy Aganon, ang deputy chief of police sa nasabing bayan, ang biktima ay isang 32-anyos at taga Pampanga.
Sinabi ni Aganon na base sa inisyal na imbestigasyon, habang naliligo ang biktima kasama ang pamilya nito ay hiniling niyang kuhanan siya ng larawan.
Dahil dito, umahon muna ang kanyang asawa para kunin ang cellphone nito pero pagbalik niya ay nakita na lamang niyang nalunod ang biktima.
Sinabi ni Aganon na agad namang nagresponde ang mga nagbabantay na lifeguards subalit mabilis umano ang pangyayari.
Aniya, dalawa hanggang tatlong talampakan lamang ang lalim ng tubig na kinaroroonan ng biktima subalit posibleng hindi na niya nakontrol ang sarili dahil sa sakit niyang epilepsy na nagresulta nang kanyang pagkalunod.
Agad dinala ang biktima sa Bangui District Hospital subalit idineklara ng attending physician na dead on arrival at nakumpirma na namatay ito dahil sa acute respiratory failure due to epilepsy secondary to drowning.