KALIBO, Aklan – Naisalba sa pagkalunod ang isang bakasyunistang babae habang naliligo sa Station 2 sa isla ng Boracay.
Ang babaeng biktima na nasa ligtas nang kalagayan ay kinilalang si Terry Amar, 26, residente ng Metro Manila at nagbabakasyon lamang sa isla.
Base sa report, habang naliligo ang biktima, napansin ito ng nakabantay na lifeguard na si Ronel Casimero ng Malay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Boracay Lifeguard na mistulang hirap makaahon mula sa naglalakihang alon dala ng bagyong Maring.
Kaagad niya itong sinagip at dinala sa dalampasigan.
Matapos mabigyan ng paunang lunas, isinugod ito sa isang klinika para masuri bago ibinalik sa tinutuluyang resort.
Habang inililigtas ay napansing hawak-hawak pa rin ng turista ang kanyang selfie stick.