-- Advertisements --
boracay tourist

(Update) KALIBO, Aklan — Tiniyak ng Boracay Inter-Agency Task Force na mapapanagot sa oras na mahuli ang umano’y mga Chinese national na dumumi sa baybayin ng Boracay.

Ayon kay Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group General Manager Natividad Bernardino, hindi nila kokonsintihin ang agad na nakarating na reklamo ng mga lokal na turista na nagsasabing namataan ang dalawang dayuhang babae na nagkalat sa front beach.

Nasita umano ang mga ito ng iba pang turista makaraang makita ang isang babae na naghuhugas ng puwet ng kanyang anak sa dagat matapos magdumi, habang ang isa naman ay ibinaon daw ang diaper sa buhangin at mabilis na umalis.

Sa ngayon aniya ay patuloy pa nilang inaalam ang identity ng dalawa at maaari silang mapanagot batay sa Municipal Ordinance Number 311 o “Anti-Littering Law” na ipinapatupad ng lokal na pamahaalan ng Malay, Aklan.

Saklaw ng ordinansa ang pagdumi, pag-ihi, at pagdura sa mga pampublikong lugar.