Binigyan ng deadline ng hanggang katapusan ng Hulyo ang Turkey upang makapamili kung bibili ba ito ng fighter jets mula sa Estados Unidos o anti-aircraft missile systems sa Russia.
Itinakda ni acting US Defense Sec. Patrick Shanahan ang nasabing ultimatum sa isang liham sa kanyang Turkish counterpart na si Hulusi Akar.
Sa nasabing sulat, sinabi ni Shanahan na dismayado umano ang Estados Unidos na marinig na nagpadala na raw ng mga Turkish personnel sa Russia upang magsanay para sa paggamit ng S-400.
“Turkey will not receive the F-35 if Turkey takes delivery of the S-400,” saad ni Shanahan. “You still have the option to change course on the S-400.”
Kasama rin sa liham ang isang schedule kung kailan tatapusin ang paglahok ng Turkey sa F-35 pilot training.
“We do not want to have the F-35 in close proximity to the S-400 over a period of time because of the ability to understand the profile of the F-35 on that particular piece of equipment,” wika naman ni US Defense USec. Ellen Lord.
Hindi rin aniya puwede na parehas na magkaroon ang Turkey ng F-35 advanced fighter jets ng Amerika at S-400 systems ng Russia.
Giit ng Washington, incompatible umano ang Russian systems sa Nato defense systems, at maaaring maging banta raw sa seguridad. (BBC)