-- Advertisements --
TURKEY QUAKE

Itinigil na ng gobyerno ng Turkey ang pagtanggap ng tulong mula sa international rescue teams mula sa ibang mga bansa kabilang ang Pilipinas sa pagsagip sa mga survivor mula sa malakas na pagyanig na tumama sa Turkey at Syria.

Base kasi sa Turkish authorities, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) information officer Diego Mariano na nagpaso na ang “golden hour” o window hour para matunton at masagip ang mga survivor sa mga gumuhong gusali mahigit isang linggo na mula ng tumama ang malakas na lindol.

Bunsod nito, nagpasya ang mga Turkish rescue official na magpokus sa kanilang operasyon sa search and retrieval ng mga labi ng mga biktima.

Sa ngayon patuloy sa pagtulong ang 85-man rescue team mula sa Pilipinas na dineploy sa Turkey para tumulong sa rescue operations.

Samantala, inihayag din ni Mariano na nakikipag-ugnayan na ang NDRRMC sa Department of Foreign Affairs at sa Embahada ng Pilipinas sa Ankara para i-monitor ang kalagayan ng isang Pinay kasama ang kaniyang tatlong anak na patuloy pa ring nawawala matapos ang lindol.