Sinuspendi ng gobyerno ng Turkey ang lahat ng kalakalan nito sa Israel na may kinalaman sa opensiba nito sa Gaza na nagresulta ng lumalalang humanitarian tragedy sa Palestinian territory.
Ayon sa Turkish Trade Ministry, ipapatupad ang naturang hakbang hanggang sa payagan ng Israel ang walang patid at sapat na tulong para sa mga mamamayang naiipit sa giyera doon sa Gaza.
Ang Trade nga sa pagitan ng Turkey at Israel ay pumapalo ng halos $7 billion noong nakalipas na taon.
Samantala, sa panig ng Israel, tinawag naman ni Israeli foreign minister Israel Katz si Turkish President Recep Tayyip Erdogan na diktador sa naging desisyon nito.
Aniya, hindi isinasaalang-alang ng Turkish President ang interes ng kaniyang mamamayan at mga negosyante at binabalewala ang international trade agreements.
Kaugnay nito, inatasan ni Katz ang foreign ministry na humanap ng mga alternatibo sa kalakalan nito sa Turkey na nakatuon sa local production at pag-aangkat ng mga produkto mula sa ibang mga bansa.