Tinanggap ni Defense Secretary at NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management) Chairman Delfin Lorenzana ang donasyong mobile water treatment compact equipment na donasyon gobyerno ng Hungary sa Pilipinas.
Ginanap ang turnover ceremony sa DELSA warehouse sa Camp Aguinaldo.
Si Hungarian Ambassador to the Philippines His Excellency Dr. József Bencze at Vice Consul Gabor Lehocz ang nag-turnover ng kagamitan na mula sa Hungarian Water Technology Corporation (HWTC), Ltd.
Nagpasalamat naman si Lorenzana sa Hungarian Government sa kanilang grant na nagpondo sa kagamitan, at sa tulong sa pag-facilitate ng pagsasanay sa Hungary ng dalawang Pilipino operators ng naturang kagamitan.
Ayon kay Lorenzana, malaking tulong ang mobile water treatment equipment para makapag-supply ng inuming tubig sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad, sa halip na nagdadala roon ng tubig na nakabotelya na mas magastos.
Bagama’t mayroon din aniyang mobile filtration truck ang Armed Forces of the Philippines, pero hindi kasing laki ng kapasidad ng kagamitan mula sa Hungary na kayang maka-produce ng 150-libong litro ng inuming tubig sa loob ng isang araw.
Dahil dito, kinokonsidera na ng pamahalaan na bumili naman ng karagdagang mobile water treatment equipment mula sa Hungary para magamit sa panahon ng kalamidad.