CAUAYAN CITY – Itinuring na swerte ng isang dog breeder ang pagkakaroon ng anim na daliri ang mga paa ipinanganak na tuta ng kanyang aso sa Diffun, Quirino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Johnrol Pascual, dog breeder ng shih tzu at dakshin, residente ng Andres Bonifacio Diffun, Quirino na ang kanyang alagang babaeng shih tzu ay nanganak ng anim na tuta.
Nagulat na lamang aniya siya dahil ang pang-anim na tuta na siyang pinakalamaliit ay mayroong tig-anim na daliri ang dalawang paa sa likod.
Sinabi pa ni Pascual na nagsimula siyang nag-breed ng shih tzu noong 2015 hanggang dinagdagan niya ng dakshin.
Malaki na aniya noong binili niya ang shih tzu na nanganak ng kakaibang tuta at mayroon posibilidad na may lahi ang aso na mayroong sobrang daliri.
Sinabi pa ni Pascual na dahil kakaiba ang itsura ng tuta ay hindi na nila ito ibebenta at palalakihin na lamang na maaring magbigay ng suwerte sa kanila.
Sinabi pa ni ascual na umabot na sa mahigit 20 aso na may iba’t ibang breed ang kanilang alaga at pinapaanak saka ibinebenta ang mga tuta.