Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na ligtas at malinis ang tutuluyang billeting quarters ng mga atleta na lalahok sa Palarong Pambansa 2019 sa lungsod ng Davao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DepEd Undersecretary at Palaro secretary-general Revsee Escobedo, mga doktor at mga kawani ng City Environment and Natural Resources ang sumusuri kung napapangalagaan ba ang 26 na mga billeting quarters.
Na-fumigate na rin umano ang nasabing mga areas para makaiwas sa banta ng sakit na dengue.
Tuloy din aniya ang taunan nilang ginagawa na pagbibigay ng parangal sa delegasyong may pinakamalinis na quarters, bukod pa sa tree planting sa Abril 28.
Sa ganitong paraan umano ay maikikintal sa isipan ng mga student athletes ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan.
Ayon pa kay Escobedo, inatasan nito ang organizing committee na doblehin ang kanilang pangangasiwa sa usapin ng kalusugan.
Mayroon din aniyang mga komite na sumusuri sa kalidad ng tubig na gagamitin ng mga atleta, maging sa lugar na paglulutuan ng mga ihahandang pagkain.
Paliwanag pa ni Escobedo, magpapakalat sila ng mga medical personnel upang tiyaking makakaiwas ang mga estudyante sa food poisoning.
Binilinan na rin aniya nila ang mga regional delegation na dapat ay panatilihing hydrated ang mga atleta upang makaiwas sa dehydration at heatstroke.