VIGAN CITY – Ipinaliwanag ng alkalde ng Tuy, Batangas na naibibigay umano nila lahat ng pangangailangan ng mga evacuees na naapektuhan ng phreatic eruption ng Taal Volcano na kanilang kinupkop.
Sa ngayon, aabot na sa halos 6,000 ang bilang ng mga evacuees na nasa higit 10 evacuation area sa bayan ng Tuy, Batangas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Mayor Randy Afable na sa bawat evacuation area umano sa kanilang bayan ay mayroong nakatalagang representative ng LGU na siyang titingin sa mga kailangan ng mga evacuees.
Maliban pa rito, araw at gabi rin umanong nag-iikot sa mga evacuation area si Afable upang personal na kamustahin ang kalagayan ng kanilang mga tinutulungan.
Hindi naman nito ikinaila na nagkukulang sila sa gatas para sa mga sanggol at folding beds para sa mga senior citizens ngunit ang lahat ng mga ito ay nasosolusyunan naman umano nila sa pamamagitan na rin ng kanilang mga katuwang na stakeholders at grupo.