-- Advertisements --
Direk Lore Reyes at Bombo
Direk Lore Reyes

BACOLOD CITY – Nagkakagulo umano ngayon sa gitna ng Film Development Council of the Philippines, Directors’ Guild of the Philippines Inc. (FDCP) at iba pang grupo kung saan may mga safety protocols na ipapatupad na hindi sinasang-ayunan ng karamihan dahil hindi ito akmang i-apply sa mga taping scenes ng mga artista.

”Meron din kasing mga problema, kunyari naayos mo na lahat ng safety protocols ngunit paano ka gagawa ng drama? Yong mga artista ang problema eh kasi malalagay sila sa alanganin at yong kunwari mag d-drama kayo may mask? Kawawa naman yong mga artista kasi ma e-expose sila,” ani direk Lore Reyes.

Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay direk Reyes, sinabi nito na pinapasok na aniya ng politika ang film industry kaya kailangan muna magkaintindihan bago maayos na makabalik sa pagte-taping.

Dagdag pa ni Direk Lore, na hindi sila pasaway at susunod naman protocols kung may tama at iisang impormasyon kagaya ng nangyayari sa gobyerno.

”Hindi ako naniniwala na pasaway ang mamamayang Pilipino. Ang problema natin dito sa Pilipinas, we are not informed. Para ma control itong Pandemic syempre magtitiwala tayo sa gobyerno ngunit dapat isang boses lang sana pero wala, wala tayong ganun eh. Merong iba yong sinasabi ng DOH, iba yong sinsabi ng Presidente, iba ang sinasabi ng spokesman, ganun din sa TV, bago bumalik sa normal yong taping kailangan magkasundo-sundo rin muna kami kasi pinasok ng politika itong TV production eh,” saad pa ni Direk Lore Reyes

Sa ngayon kasama ni Direk Jo Macasa at Direk Christian Acuña ay abala si Direk Lore sa ipapalabas nilang horror trilogy film na “Quarantina Gothika,” isang palabas na hango sa mga sitwasyong dulot ng quarantine.

Magugunitang nabuo ito dahil sa pangungulila nila sa namayapang veteran director na si Peque Gallaga kaya naisipan nilang lumikha ng film upang meron ding gawin habang hindi pa nakakabalik sa tapings sa gitna ng Pandemic.

Sa pamamagitan ng zoom meetings at effort din ng mga artists na sina Solenn Heussaff, G. Toengi at si Michelle Gallaga ipinagmamalaking mapapanood na ito ng libre sa August 1, 2020 sa page na Remembering Peque Gallaga.