-- Advertisements --

Pinagtangkaan umanong gahasain ang TV host na si Cianne Dominguez ayon sa online post ng ama nito na si Johng Florendo. 

Ayon sa salaysay ng ama ni Cianne, sinundan ang kaniyang anak sa condo nito ng suspek na nagngangalang Shervey Torno o kilala rin sa tawag na Ronnie Gray. 

Nang makarating na si Cianne sa condo unit nito, pinigilan umano ng suspek ang TV host na saraduhan ang pinto ng condo. 

Dito na raw hinawakan ni Torno ang baywang ni Cianne at pinilit na halikan. Agad naman daw nakawala ang TV host dahilan para tumakbo ang suspek.

Nakunan pa ng video ni Cianne si Torno habang tumatakas ito palabas ng condo. Nakatakbo pa raw ang suspek sa EDSA pero nahuli rin ng OIC ng condominium.

Ayon kay Florendo, nasa kustodiya na ng Quezon City Police District 10 si Shervey Torno.

Humihiling din ang ama ni Cianne na ipagdasal ang kaniyang anak dahil sa trauma na naranasan nito sa insidente.