-- Advertisements --

Nanganganib na maharap sa parusa at multa ang isang TV network kaugnay sa tinamong injury ni Eduardo “Eddie” Garcia na nauwi sa pagka-comatose nito bago tuluyang bawian ng buhay matapos ang halos dalawang linggo.

Pahayag ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Occupational Safety and Health Center (OSHC) hinggil sa pagkapatid ng 90-year-old multi awarded actor habang nasa taping sa Maynila para sana sa kakatampukang palabas sa naturang network.

Ayon pa sa kalihim ng DOLE, marapat lang na mayroong OSH officer sa lahat ng establishment para sa kaligtasan ng lugar at senyales na tumalima ito sa health standards alinsunod sa OSH Law.

“Iinspeksyunin nila (OSHC) kung tama ‘yung pagkahawak kay Mr. Eddie Garcia. Kung merong safety and health officer, baka nabigyan ng tamang treatment when he had that accident,” ani Bello sa CNN Philippines.

Nabatid na si Bello ang nag-utos sa OSHC partikular sa executive director nitong si Noel Binag para isagawa ang imbestigasyon.

Ayon kay Bello, kahit hindi magreklamo ang pamilya ni Manoy ay puwedeng maghain ng administrative charges ang OSHC kapag napatunayang may pananagutan ang network.

“The network may be slapped with a monetary fine or suspensions of operations depending on how grave the lapses were,” dagdag ni Bello.