-- Advertisements --
CNN arrest
Arrest of CNN reporter

Pinakawalan na ang CNN correspondent na si Omar Jimenez matapos na ito ay ikustodiya ng mga kapulisan sa Minneapolis.

Nagsasagawa ng live report si Jimenez kasama ang producer nito na si Bill Kirkos at photojournalist Leonel Mendez tungkol sa nangyayaring kilos protesta dahil sa pagkakasawi ni George Floyd matapos na tuhurin ng pulis sa leeg.

Humingi naman nang paumanhin sa CNN si Minnesota Governor Tim Walz sa nasabing pangyayari.

Sinabi nito, hindi katanggap-tanggap ang ginawang pag-aresto ng mga pulis sa grupo ni Jimenez.

Base sa pagkukuwento ng nasabing reporter, habang siya ay nag-uulat ilang metro sa police precinct na sinunog ng mga protesters nang sila ay paalisin ng mga kapulisan.

Dahil sa hindi agad na paglipat ng mga ito dahil nasa kasagsagan ng live report, napilitan aniya ang mga kapulisan na sila ay arestuhin para ilayo sa lugar.

Kitang kita pa sa TV coverage ng CNN ang pagposas kay Omar at mga kasama dahil sa naka-rolling ang camera.

Matapos naman ang ilang minuto ay pinakawalan din ang nasabing mga TV crew.

Marami rin ang komondena sa ginawang hakbang ng mga pulisya lalo na at nagpakilalang reporter si Jimenez at nagpakita pa ng credentials.