LEGAZPI CITY – Lumikha ng technical working group ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) upang matiyak ang close monitoring sa Bulkang Mayon sa Albay.
Pangungunahan ang TWG ng Department of Tourism (DOT) na inaasahang poprotekta sa seguridad ng mga turista na nais ang close interaction sa sikat na destinasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of the Civil Defense (OCD) Bicol Director Claudio Yucot, may ilang turista na nakakalusot sa danger zones ng bulkan.
Nilinaw ng opisyal na hindi otorisado ang naturang mga aktibidad lalo na’t nakabandera pa ang Alert Level 2 status o moderate level of unrest sa Mayon.
Kahit hindi aniya otorisado ang aktibidad sa bulkan, lokal na pamahalaan pa rin ang sisisihin kung nagkakaroon ng aksidente.
Pinag-usapan rin umano sa RDRRMC meeting ang pag-revisit sa mga ordinansang nakakasaklaw sa mountaineering at trekking sa bulkan.