ILOILO CITY – Hindi pa man tuluyang nakakabangon sa pananalasa ng bagyong Ursula ang Iloilo at Capiz, niyanig naman ng lindol ang mga bayan sa nasabing mga lugar.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), magnitude 4.8 na lindol na may lalim na 14 kilometers ang naramdaman sa San Enrique, Iloilo at Dumarao, Capiz.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay dating San Enrique Mayor Joe Fernandez, sinabi nito na mabilis ngunit malakas ang kanilang naramdaman na lindol.
Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang assessment ng mga otoridad sa nasabing bayan sa pinsala na maaring iniwan ng lindol.
Samantala, sumisigaw naman habang papalabas ng kanilang bahay ang mga residente ng Brgy. Traciano, Dumarao, Capiz dahil sa pagyanig.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ruffa Otayde ng naturang barangay, sinabi nito na ang nasabing lindol ang pinakamalakas na pagyanig na kanilang naranasan.
Labis din daw ang takot na kanilang naramdaman kung saan hanggang sa ngayon nagbabantay pa sila sa posibleng mga aftershocks.
Narito pa ang mga reported intensities:
Intensity IV – San Enrique, Passi City & Dingle, Iloilo;Tapaz, Capiz; Bago City, Negros Occidental
Intensity III – Iloilo City; La Carlota City and Bacolod City, Negros Occidental; Bugasong and Barbaza, Antique; Nueva Valencia, Guimaras
Intensity II – President Roxas, Capiz; Masbate City
Instrumental Intensities
Intensity II – Masbate City
Intensity I – San Jose, Antique