Inilipat ng US military ang Typhon missile launchers nito mula sa Laoag airfield sa Pilipinas sa panibagong lokasyon sa isla ng Luzon.
Ang naturang launcher ay kayang magpakawala ng multipurpose missiles hanggang sa libu-libong kilometro.
Ang Tomahawk cruise missiles naman sa launchers ay kayang tamaan ang target nito pareho sa China at Russia mula sa Pilipinas habang ang SM-6 missiles nito ay kayang tamaan ang air o sea targets nito na mahigit 200 km o 165 milya ang layo.
Sinabi naman ng isang hindi pinangalanang senior PH government official na ang redeployment ng launcher ay makakatulong sa pagtukoy kung saan at kung gaano kabilis kumilos ang missile battery sa bagong firing position.
Nakikita ang naturang paglilipat ng typhon missile launcher bilang isang paraan para gawing mas survivable ito sa gitna ng conflict.
Kapwa naman tumanggi ang United States Indo-Pacific Command (INDOPACOM) at gobyerno ng PH na magbigay ng specific location kung saan inilipat ang typhon missile launcher.
Nilinaw naman ni Commander Matthew Comer ng INDOPACOM na ang paglilipat sa lokasyon ng missile launcher ay hindi indikasyon na mananatili na ito ng permanente sa PH.
Matatandaan nga na umani ng pagbatikos mula sa China ang deployment ng naturang weapon sa PH noong Abril 2024 sa kasagsagan ng training exercise.
Noong Setyembre, sinabi ng US na wala itong plano para tanggalin ang Typhon missile launcher sa PH na kapwa kinondena naman ng China at Russia.