BAGUIO CITY — Inilarawan ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Shizuoka, Japan na mas malakas ngayon ang naranasan niyang bagyo kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay Bombo Correspondent Tommy Agpalsa, machine operator sa Japan at tubong Mankayan, Benguet, sinabi niya na ngayon lang ito naramdaman ang hirap dahil karamihan sa mga convenient stores ay walang laman o naubusan ng paninda kayat wala siyang nabili.
Sinabi niya na ang pagtitipid lang ng pagkain ang ginagawa nila dahil sa panic buying.
Dahil dito, cereal oats o oatmeal lang ang kinakain nila sa ngayon.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Agpalsa na kanselado ang trabaho nila hanggang bukas at nararanasan na rin nila sa ngayon ang pagbaha sa mga kalsada dahil sa epekto ng bagyong Hagibis.
Dinagdag pa niya na wala pang nasirang mga gusali o kabahayan doon pero ang kaligtasan nila ang kanilang inuuna.
Samantala, inihayag ni Amelia Soriano na isang Pinoy worker sa Kanto, Japan na nagdoble ang pangambang kanilang nararamdaman.
Sinabi niya na ito ay dahil naranasan ang buhawi sa bahagi ng Chiba, Japan, maliban lamang sa malakas na ulan at hangin na kanilang nararanasan sa ngayon.
Binanggit niya na naglagay sila ng tape at bubble wrap sa kanilang mga bintana para kung mayroon mang tumamang bagay sa mga glass window ay hindi ito magkakalat sa loob ng kanilang bahay at para hindi sila masaktan.