BAGUIO CITY – Inalala ng lokal na pamahalaan at mga residente sa Natonin, Mountain Province, ang anibersaryo ng tragic landslide incident sa Sitio Ha’rang ng Barangay Banawel kung saan natabunan ang gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Mountain Province Second District Engineering Office at ilang tahanan na katabi nito dahil sa malaking pagguho ng lupa doon noong October 30, 2018, sa kasagsagan ng pananalasa ng Typhoon Rosita.
Ayon kay Atty. Edward Chumawar Jr., Provincial Disaster Risk Reduction and Manegement Officer ng Mt. Province, nagtayo sila ng marker o istruktura kung saan nakasulat ang pangalan ng mga namatay sa insidente.
Isang ritwal din aniya ang isinagawa bilang pag-alala sa mga nasawi sa nasabing insidente na sinundan ng isang programa.
Gayunman, kasabay ng paggunita sa trahedya ay may nangyari uling pagguho ng lupa sa bahagi ng Barlig-Natonin Road ngunit nalinis na ito.
Kung maaalala, aabot sa 28 katao ang namatay sa Natonin kung saan karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa ginagawang DPWH-Mountain Province Second District Engineering Office.
Nanalasa ang Typhoon Rosita sa Cordillera, halos isang buwan lamang matapos manalasa ang Typhoon Ompong kung saan naman nangyari ang killer landslide sa Ucab, Itogon, Benguet.
Nagresulta ito sa pagkamatay ng mahigit 60 katao matapos matabunan ang nagsilbing evacuation center ng mga ito.