Nag-face off na kanina sina dating heavyweight champion na Mike Tyson at si dating four-division world champion, Roy Jones Jr. kaugnay ng kanilang official weigh-in sa magaganap na exhibition fight bukas sa Los Angeles.
Mas mabigat na tumimbang si Tyson sa 220.4-pounds, habang si Jones naman ay may bigat na 210-pounds.
Ang 54-anyos na si Tyson ay muling magbabalik sa ring makalipas ang 15 taon sa huli niyang professional bout.
Ang 51-anyos naman na si Roy Jones Jr ay dating kampeon sa middleweight, super middleweight, light heavyweight at heavyweight division sa loob ng kanyang 29-years na career.
Ang dalawa ay binansagang “greatest boxers” ng kanilang mga henerasyon.
Samantala kabilang naman sa undercard na sumalang din sa weigh-in ay ang YouTube personality at first-year professional boxer na si Jake Paul kung saan makakaharap naman ang dating NBA star na si Nate Robinson sa cruiserweight division.
Sinasabing posible umanong mauwi sa knockout ang magaganap bukas na exhibition match sa pagitan nina Tyson at Jones.
Ayon sa training camp ni Tyson, muli raw makikita ng mga fans ang kinatatakutang bangis ng tinagurian noon ng kanyang kabataan bilang “the baddest man on the planet.”
Pero binigyang diin naman ng mga organizers na mistulang sparring session lamang ang magaganap dahil gagamit ang dalawang boksingero ng mas makapal na gloves na aabot sa 12 ounce.
Kadalasan sa professional boxing ay 8 ounce ang ginagamit na gloves.
Bbawat rounds din ay tatagal lamang ng dalawang minuto at hindi ang normal na tig-tatlong minuto.