-- Advertisements --

Napanatili ni Tyson Fury ang pagiging World Boxing Council (WBC) heavyweight champion matapos pabagsakin sa sixth round si Dillian Whyte sa harap ng 94,000 fans na nanood sa Wembley Stadium sa London. 

Ang naturang crowd ay record breaking bilang highest attendance sa isang boxing match sa Europe at pinakamarami sa buong mundo. 

Muli na namang nagpakita ng kanyang masterclass performance si Fury sa itaas ng ring na siya pa rin ang best fighter sa heavyweight division ngayong panahon. 

Mula sa first round ay makikitang “outmatched at outclassed” ni Fury ang kanya ring kababayan na mula sa UK na mandatory challenger. 

Pagsapit ng sixth round, halatang medyo desperado na sa kanyang diskarte si Whyte na pagod na rin at nakakailag sa kanyang pinakakawalang pamatay na suntok ang kampeon. 

Ilang sandali pa, nagpakawala ng kanan na uppercut si Fury na siyang nagpabagsak kay Whyte na una ang kanyang likuran sa lona sa oras na 2:59. 

Nagawa pang makatayo ni Whyte pero naghudyat na ang referee na itigil na ang laban. 

Batay sa statistics tumama ang 76 mula sa 243 na total punches na pinakawalan ni Fury, habang 29 lamang out of 171 ang kay Whyte. 

Sa ngayon ang record ni Fury ay lalo pang umangat sa 32-0-2, (23KOs) samantalang 28-3 (19KOs) naman si Whyte.