Ngayon pa lamang ipinagmalaki na ng mga promoters na mabentang mabenta na ang pay-per-view sa Amerika kaugnay ng nakatakdang muling pag-akyat sa ring ng retired undisputed heavyweight boxing champion na si Mike Tyson.
Sa Linggo na magaganap ang 8-rounds exhibition showdown ni Tyson laban sa dating 4-division world champion na si Roy Jones Jr.
Una nang tiniyak ng dalawa na hindi basta-basta exhibition game ang masasaksihan dahil totohanan daw ang bakbakan.
Ayon sa ulat ng streaming site na FITE, ang harapan nina Tyson at Jones ay binasag na ang pre-sale records para sa digital pay-per-view buys.
Inaasahan daw nila na aani ng matinding atensiyon ang naturang laban at posible pa raw na magtala ito ng kasaysayan sa live sports streaming.
Si Tyson na dating binansagan na “baddest man on the planet” ay edad 54-anyos na, habang si Jones naman ay 51-anyos.
Sinuman ang mananalo ay tatanggapin ang bagong tatag na WBC Frontline Battle Belt.